Kinumpirma ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na nakatakda ng lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang panukalang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong Disyembre at ang pagbabago sa mga termino ng mga mahahalal na opisyal.
Ayon kay Garcia, sa Nobyembre na ng susunod na taon isasagawa ang BSKE. At ang magiging termino na ng mga mahahalal na opisyal sa barangay ay apat na taon na maaaring mare-elect ng isa pang termino, samantala, ang para sa mga mahahalal na opisyal naman ng Sangguniang Kabataan ay apat na taon din ngunit isang termino lamang sila maaaring makapaglingkod.
Bagaman, ito ay hindi na matutuloy, sinigurado ni Garcia na tuloy pa rin ang kanilang paghahanda katulad na lamang ng kasalukuyang isinasagawang 10 araw na voters registration. Pati rin ang ilang procurement ng mga ballot boxes at folders na gagamitin dahil hindi naman ito nakakaapekto. Paglilinaw ni Garcia na wala pa rin naman silang nailalabas na pondo para rito.
Samantala, inihayag din ni Garcia na ang desisyon na ito ay magiging malaking kaginhawaan sa poll body dahil na rin kasalukuyan silang naghahanda sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Patuloy na hinimok ni Garcia ang publiko na lumahok sa 10 araw na voters registration ng komisyon. Aniya, maaari silang magtungo sa kanilang mga local COMELEC offices, satellite registration sites at ang bagong Register Anywhere Program na maaaring isagawa sa mga mall, terminal at iba pang lugar na maaaring pagdausan ng registration.
Ang mga nais na magpa-rehistro ay kinakailangang magdala ng orihinal na kopya ng government issued IDs at para naman sa mga kabataan ay ang kanilang school IDs.