Target ng Department of Energy (DOE) na mabigyan ng maayos na power connection ang kabuuang 295 last-mile schools, gamit ang solar power system.
Ito ay bahagi ng electrification program ng ahensiya, kasama ang Department of Education (DepEd)
Ayon sa DOE, sa pamamagitan ng P1.295 billion allocation mula sa DepEd na nakalaan na ngayong 2025, ang bawat solar installation ay inaasahang magkakaroon ng kapanilidad na magsupply ng kuryente sa lahat ng mga educational equipment ng bawat eskwelahan.
Kabilang dito ang 55-inch television per classroom, 40 tablets, atbpang pangunahing digital learning tools na magagamit ng mga estudyante at mga kaguruan.
Sa ganitong paraan, naniniwala ang DOE na magiging mas matatag, inclusive, at matibay ang maihahatid na learning environment sa mga mag-aaral kahit na sila ay nasa malalayong komunidad.
Pagtitiyak ng DOE, ang pagbibigay ng sapat at matatag na supply ng kuryente sa mga paaralan ay bahagi ng prayoridad nito bilang pagtalima sa pangako ng pangulo na pagbibigay ng power connection sa mga kabahayan, atbpang mahahalagang pasilidad sa buong bansa.
Ang mga last-mile school ay mga eskwelahan na maituturing bilang geographically isolated o nasa liblib na lugar, malapit sa mga conflict area, at hirap maabot ng mga pangunahing mode ng transportasyon.