Binigyang pagkilala ng Integrated Bar of the Philippines ang kapangyarihan ng Korte Suprema sa inilabas nitong desisyon kaugnay sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Sa inisyung opisyal na pahayag ng naturang organisasyon, kanilang ibinahagi ang pagsuporta sa naging deklarasyon ng Kataastaasang Hukuman noong nakaraang linggo.
Umani kasi ng samu’t saring reaksyon ang pagdedeklara nito sa ‘articles of impeachment’ ng Kamara bilang ‘unconstitutional’ na nagdulot para maipawalang bisa ito.
Kaya’t ang Integrated Bar of the Philippines ay iginiit na hindi lamang basta patungkol sa judicial review o impeachment ang naging ruling ng Supreme Court.
Kundi paniniwala anila’y pokus nito ang pagpapanatili sa kaayusan at pagkilala sa konstitusyon upang masunod ang tinatawag na ‘rule of law’.
Bagama’t kinikilala ang otoridad ng Korte Suprema na mag-interpret ng batas at magbigay kaliwanagan sa mga implikasyon nito, anila’y hindi ito nangangahulugang binabalewala ang papel ng House of Representatives.
Ang ‘political nature’ ng naturang ‘impeachment’ ay saklaw pa rin at maaring isailalim sa ‘judicial review’ alinsunod sa nakasaad sa konstitusyon.
Sa pagpapatupad sa mandato ng Konstitusyon, nirerespeto anila ang ‘exclusive power’ ng Kamara na pasimulan ang impeachment ngunit kasabay din nito ang pagkilala sa tungkulin ng Korte Suprema na bigyang pakahulugan ang kung ano ang sinasabi o nakapaloob sa batas.
Buhat nito’y binigyang diin ng IBP na ang hindi paggalang sa naging posisyon ng Korte Suprema at ang hayagan pang pagtatakwil rito ay nakaapekto sa integridad ng mga demokratikong institusyon.
Panghuli kanilang iginiit na ang Konstitusyon ay hindi nangangailangan na ito’y mapagsang-ayunan kundi pagsunod ang siyang dapat maisakatuparan.
“If every adverse ruling becomes an invitation to disobey, the law ceases to be a constraint on power and becomes its casualty. The Constitution does not require agreement. It demands adherence,” bahagi sa opisyal na pahayag ng Integrated Bar of the Philippines.
‘In defending the legal processes, we defend not just institutions. We defend the sovereignty of the people, from whom all authority flows and to whom all must answer,” bahagi pa sa opisyal na pahayag ng Integrated Bar of the Philippines.