Naniniwala si Sen. Panfilo Lacson na maaring gamitin ng gobiyerno ng Pilipinas ang United Nations anti-corruption treaty na pinagtibay at epektibo pa noong 2003.
Tinukoy ng batikang senador ang United Nations Convention Against Corruption (UNCAC) na niratipika ng Senado ng Pilipinas noong 2006.
Ayon kay Lacson, nananatili itong isang balidong international aggreement kung saan nagtutulungan ang mga bansa na malabanan ang korapsyon tulad ng paghuli sa sinumang sangkot at pagpapaharap sa kanila hustisya.
Paliwanag ng senador, ang Pilipinas ay isang signatory, kasama ang 191 iba pang bansa.
Kung makikipagtulungan aniya ang 192 bansa, at hihilingin ng gobiyerno ng Pilipinas na magamit ang resources ng kanilang kapwa signatories, tiyak na mabilis lamang mahanap at mapauwi ang puganteng dating mambabatas.
Sa ilalim ng Article 138 ng naturang treaty, inoobliga ang bawat state part na tulungan ang kanilang kapwa signatory sa imbestigasyon at criminal proceedings sa mga kasong nauugnay sa korapsyon.
Maaari aniyang pag-aralan ng Office of the Ombudsman, Department of Justice, at Department of Foreign Affairs ang naturang option para mapaharap na si Co sa kaniyang kaso.
Sa kasalukuyan, kanselado na ang pasaporte ni Zaldy Co, habang una na ring humiling ang gobiyerno ng Pilipinas ng red notice sa International Criminal Police Organization laban sa dating mambabatas. (report by Bombo Jai)
















