Tinawag ni Senador Raffy Tulfo na “immoral” at “eskandaloso” ang umano’y overpriced body-worn cameras na binili ng Philippine Ports Authority (PPA) noong 2020, kung saan umabot umano sa P879,000 bawat unit ang halaga.
Sa pagbusisi ng panukalang pondo ng Department of Transportation (DOTr) at mga attached agencies nito, kinuwestiyon ni Tulfo si PPA General Manager Jay Santiago kaugnay ng naturang procurement, na aniya’y isinagawa sa ilalim ng kontrata sa Boston Home Inc., isang kumpanyang may P10 milyon lamang na paid-up capital ngunit nabigyan ng kontratang halos bilyong piso ang halaga.
Giit pa ni Tulfo, dati na ring nakuwestiyon ang kumpanyang ito dahil sa depektibong kagamitan na kanilang naideliver sa Environmental Management Bureau (EMB).
Ayon naman kay Santiago, dumaan sa tamang proseso ang lahat at isinagawa ito sa ilalim ng National Port Surveillance Center.
Depensa niya, hindi lamang mga camera ang binili kundi pati ang buong sistema, kasama ang mga server.
Hindi nakumbinsi si Tulfo, at inihalintulad pa niya ito sa mas mababang halaga ng body cameras ng Philippine National Police (PNP) na nagkakahalaga lamang ng P135,000 bawat isa.
Sa ikalawang procurement ng mga body-worn cameras, binigyang-diin ni Tulfo na umabot na sa P1 milyon ang presyo ng bawat unit, kung saan P168 milyon ang kabuuang halaga ng kontrata.
Dagdag pa ni Tulfo, kung nagsagawa umano ng maayos na due diligence ang PPA, malalaman nilang apartment lamang ang opisina ng naturang kumpanya.
Binigyang-diin naman ni Santiago na hindi nagbibigay ng advance payment ang PPA at sinisiguro umanong naideliver at gumagana ang lahat ng kagamitan bago ito bayaran.
Hiniling ni Tulfo sa DOTr na imbestigahan ang isyu at sibakin ang dapat sibakin.