Hinamon ni Senador Raffy Tulfo si National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eddie Guillen na magbitiw sa pwesto kung mapatunayang hindi nakumpuni nang maayos ang isang irrigation project — matapos ideklarang tapos na, ngunit nadiskubreng may mga sira pa.
Sa deliberasyon ng panukalang pondo ng NIA para sa 2026, ipinakita ni Tulfo ang mga irigasyon na umano’y substandard at nagdudulot ng perwisyo sa mga magsasaka.
Tinukoy ni Tulfo ang Bulo Small Reservoir Irrigation Project, na idineklara ng ahensya bilang tapos na noong 2022.
Nagkaroon naman ng field inspection noong 2023 matapos manalasa ang Bagyong Karding, ngunit natuklasan ngayong taon na may mga sira pa rin ang irigasyon.
Paliwanag ni Senador Kiko Pangilinan, matapos manalasa ang Bagyong Karding, nasira ang ilang bahagi ng kanal. Nilinaw niya na ang contractor na gumawa ng proyekto ay kasalukuyang kinukumpuni ito.
Ngunit giit ng senador, base sa naging salaysay ng ilang magsasaka na nakausap ng kanyang tanggapan, walang aktwal na pagkukumpuni ang naganap sa irigasyon.
Kaya naman hamon ni Tulfo, kung mapatunayang substandard o pats-patsi ang pagkukumpuni, dapat nang mag-resign si Guillen.
Tinanggap naman ni Guillen ang hamon ng senador.
Sa susunod na linggo, iinspeksyunin na ng kanyang tanggapan ang naturang irrigation project upang matiyak kung maayos na nga itong naisaayos.
















