Mariing tinutulan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang panukalang isinusulong ni Senador Robinhood Padilla na ibaba sa 10 taong gulang ang edad ng pananagutang kriminal para sa mga kabataang sangkot sa heinous crimes.
Sa plenaryo ng Senado, iginiit ni Pangilinan, na ang solusyon sa isyu ng mga kabataang lumalabag sa batas ay hindi sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act o Republic Act 9344, kundi sa mahigpit na implementasyon nito.
Kahit pa aniya 10 taong gulang ang isang bata at nakagawa ng mabigat na krimen gaya ng panggagahasa, nakasaad sa batas na may minimum na isang taong sapilitang pagkakakulong ito.
Maaari rin aniya itong ma-extend depende sa magiging desisyon, alinsunod sa umiiral na probisyon ng batas.
Kaya naman malinaw aniya sa batas ang obligasyon ng gobyerno na kumilos agad, at kung hindi ito nasusunod, ang problema ay sa implementasyon at hindi sa mismong batas.
Samantala, kinatigan naman ni Senador Raffy Tulfo ang isinusulong ni Padilla.
Binanggit ng senador ang ilang kasong natanggap niya sa kanyang programa sa radyo kung saan nasasangkot umano ang mga menor de edad sa iba’t ibang krimen.
Giit niya, panahon na upang masuri kung epektibo pa ba ang kasalukuyang batas para masugpo ang pagdami ng mga kasong kinasasangkutan ng kabataan.
Nanawagan naman si Senador Erwin Tulfo, dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na bigyan ng sapat na pondo ang ahensya para makapagtayo ng mas maraming pasilidad para sa mga batang lumalabag sa batas.
Ayon kay Tulfo, malaking problema ang kakulangan ng rehabilitation centers at juvenile facilities sa bansa na dapat ay tumutugon sa pangangailangan ng mga menor de edad na sangkot sa krimen.