Nag-file ang prosecution panel ng International Criminal Court (ICC) ng pangalawang updated list of evidence laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa utos ng Pre-Trial Chamber noong Pebrero 10, 2025.
Ayon sa notification ng ICC, may dalawang bagong item na idinagdag laban kay Duterte, ngunit nananatiling confidential ang annex dahil naglalaman ito ng sensitibong impormasyon ng mga testigo.
Dumating ang update ilang araw matapos payagan ng Pre-Trial Chamber ang parehong prosecution at defense na maghain ng bagong ebidensya.
Maaalalang si Duterte ay inaresto noong Marso 11, 2025, pagdating niya mula Hong Kong, bilang bahagi ng imbestigasyon ng ICC sa kanyang tinaguriang “war on drugs.”
Ayon sa warrant ng ICC, umano’y lumikha, nagpondo, at nag-armas si Duterte ng death squads na sangkot sa pagpatay sa mga pinaghihinalaang drug users at dealers.
Dinala siya sa The Hague sa parehong araw at nagpakita sa korte sa pamamagitan ng video link noong Marso 14.
Kaugnay nito makailang tinanggihan din ng Pre-Trial Chamber ang kahilingan ng defense ng dating pangulo para sa kanyang interim release.
Itinakda naman ng Pre-Trial Chamber ang confirmation of charges hearing para kay Duterte sa Pebrero 23 hanggang 27, 2026 sa The Hague. Dito pagdedesisyunan kung sapat ang ebidensya upang tuluyang ituloy ang kaso laban sa kanya.
Ang hakbang ay bahagi ng patuloy na imbestigasyon ng ICC sa mga alegasyon ng human rights violations sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang dating Mayor at Presidente ng Pilipinas.















