Sibak at hindi suspensyon ang ipapataw ni Senador Raffy Tulfo sakaling mayroong magpositibo sa kanyang mga staff sa ilegal na droga.
Ayon kay Tulfo, siya at ang kanyang mga staff ay sasailalim sa mandatory drug test bukas, Agosto 19, kasunod ng ulat na may isa umanong staff ng senador na nahuling gumagamit ng marijuana sa Senado.
Ngunit paglilinaw ng senador, kung ang magpopositibo ay magpapa-rehab at gagaling, mananatiling bukas ang kanyang opisina para muling tanggapin ito.
Samantala, kung may senador namang magpositibo, bahala na raw ang Ethics Committee na magsagawa ng paglilitis.
Dagdag pa ni Tulfo, hindi lamang dapat sa mga empleyado ng Senado isinasagawa ang drug testing, kundi sa lahat ng kawani ng gobyerno.
Nasorpresa rin umano siya sa ulat na may gumamit ng marijuana sa loob mismo ng Senado.
Aniya, tila walang respeto sa institusyon dahil ang Senado ang nagsisiyasat sa katiwalian, ngunit dito rin mismo nagaganap ang iregularidad.
Samantala, inanunsyo ni Senador Juan Miguel Zubiri na sususpendehin at bibigyan ng pagkakataon na mag-rehabilitate ang sinumang staff niya na magpopositibo sa ilegal na droga.
Giit pa ni Zubiri, kung may magpositibong senador, nararapat din itong bigyan ng pagkakataon na mag-rehabilitate at hindi dapat ituring na parang kriminal.
Handa rin umano siyang isapubliko kung may magpopositibo sa kanyang mga staff, ngunit nilinaw niyang hindi niya papangalanan ang mga ito upang maprotektahan ang kanilang privacy.
Kanina, sumailalim na rin si Zubiri at ang kanyang 35 staff sa five-panel drug test.