Iniimbestigahan ng Department of Agriculture (DA) ang farm-to-market road (FMR) sa Barangay Lower Binogsacan, Guinobatan, Albay, dahil sa umano’y ghost project o hindi naisakatuparan sa aprubadong site.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., inilipat ang lokasyon noong Abril 2021 sa kahilingan ng dating district representative, ngunit may road marker na may label na “2019 FMR,” na nagdulot ng pagdududa sa timeline at paging lehitimo ng proyekto.
Sa Camarines Sur naman, isang FMR project ang natuklasang overpriced: 74.3-meter lane at 32-meter two-lane section ngunit umabot sa P14.6 milyon.
Ayon sa DA, posibleng may iregularidad sa implementasyon at pag-uulat ng mga proyekto na layuning tulungan sana ang mga magsasaka.
Kasalukuyang isinasagawa ng DA ang mas malalimang imbestigasyon, kabilang ang pagsusuri sa dokumento, pondo, at koordinasyon sa mga ahensya upang matukoy ang pananagutan at maiwasan ang kaparehong anomalya sa hinaharap.
















