-- Advertisements --

Tiniyak ng pamahalaan na kanilang babantayan laban sa mga pag-abuso ng mga napanatiling opisyal sa barangay.

Ito’y makaraang ipagpaliban ang political race para sa higit 670,000 lokal na posisyon sa buong bansa kasunod ng paglagda sa bagong batas na nagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK).

Sa 42,001 barangay sa buong Pilipinas, ang naunsaming halalan sa Nobyembre 2026 ay nakatakda sanang magluklok ng 16 na lider bawat lugar na kinabibilangan ng isang punong barangay, pitong barangay kagawad, isang SK chairperson, at pitong SK members.

Sa halip na magkaroon ng botohan, mananatili sa pwesto ang mga kasalukuyang opisyal nang dalawa pang karagdagang taon habang inihahanda ang kasunod na halalan sa Nobyembre 2028 sa ilalim ng bagong limang taong term framework.

Kaninang umaga, opisyal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naturang panukala upang pormal na ipatupad ang limang taong panunungkulan para sa mga pambarangay at pangkabataan na pinuno.

Bunga ng bagong lehislasyon, pormal nang kinansela at hindi na matutuloy ang Barangay at SK Elections (BSKE) na nakatakda ngayong taon.

Magsisilbi na itong permanenteng cycle ng halalan tuwing ikalawang Lunes ng Nobyembre kada limang taon simula sa Nobyembre 2028.

Inamyendahan ng bagong batas ang Republic Act No. 12232 na dating nagtatakda ng mas maikling apat na taong termino para sa mga nasabing opisyal.

Ayon sa mga dalubhasa, ang legislative adjustment na ito ay naglalayong magbigay ng katatagan sa pamamahala sa pambansang antas habang binibigyan ng sapat na panahon ang mga nakaupong lider na maitaguyod ang kanilang mga proyekto.