Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways sa Davao Occidental na sangkot sa isyu ng flood control scandal.
Alinsunod sa isinampang pangalawang ‘major case’ ng Ombudsman ukol sa flood control, inisyuhan ng ‘preventive suspension’ ang mga opisyal na dawit sa korapsyon.
Sinampahan kasi ng kasong ‘Malversation of Public Funds through Falsification of Public Documents’ at paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang walong ‘public works officials’ kasama pati kontratistang si Sarah Discaya.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico F. Clavano, kalakip ng suspensyon ang hindi mabayaran o maswelduhan ang mga ito habang nagpapatuloy o di’ pa nareresolba ang kaso.
Sinampahan ang mga opisyal ng kaso matapos makakalap ng sapat na batayan ang Ombudsman sa natuklasang ‘ghost flood control project’ sa Davao Occidental na pinondohan ng 96.5 milyon piso.
Kung kaya’t paliwanag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang pagpataw ng suspensyon ay isang ‘preventive action’ upang di’ makaapekto ang mga respondente sa kaso.
Iniiwasan aniya raw kasi dito ang pag-tamper o pangingialam nila sa mga ebidensyang matatagpuan sa kanilang mga opisina.
Bunsod nito, ibinahagi pa ni Ombudsman Spokesperson Clavano na sa kinakaharap na ‘malversation case’ ng mga respondents, inirekumenda ng prosekusyon ang ‘no bail’ para sa kaso.
Ibig sabihin, kung pagbigyan ng korte ay hindi mapahihintulutan makapagpiyansa si Sarah Discaya at mananatiling nakadetene habang dinidinig ang kaso.
















