BUTUAN CITY – Idineklara ni Surigao del Norte Board Member Atty. John Cubillan na totoo ang tinatawag na “Cursed Siargao” o sumpa ng Siargao.
Sa 16th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan, ibinunyag ng opisyal ang umano’y mga ghost projects at mga pekeng ulat kaugnay ng mga proyekto sa imprastruktura ng pamahalaan sa Siargao Island.
Itinuro ni Cubillan ang lumalakas na galit ng publiko na makikita sa mga post online, matapos nilang matuklasan ang mga ghost roads, ghost seawalls, ghost asphalting, at iba pang proyektong idineklarang 100% kumpleto sa papel ngunit hindi pa pala natatapos, samantalang ang iba naman ay wala man lang makitang aktwal na proyekto sa lugar.
Dagdag pa ni Cubillan, sa kabila ng bilyun-bilyong pisong pondo na inilaan para sa mga imprastruktura sa nasabing isla, mayroon pa ring mga kalsadang walang patutunguhan—taliwas sa mga ulat sa opisyal na dokumento ng pamahalaan na nagsasabing natapos na ang mga ito.
Bilang tugon, nagpasa ang Sangguniang Panlalawigan ng isang resolusyon na nananawagan sa Independent Commission on Infrastructure (ICI), pati na rin sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Commission on Audit (COA), Office of the Ombudsman, at Department of Justice (DOJ), na magsagawa ng malawakan at patas na imbestigasyon hinggil sa mga naturang ghost projects sa isla.
Umaasa si Cubillan na sa pamamagitan ng mga nabanggit na ahensya ng gobyerno, mapanagot ang mga sangkot sa naturang anomalya, lalo’t ang mga ito lamang ang may kapangyarihang humingi ng mga dokumentong dapat makita ng publiko upang mapatunayan kung gaano kalala ang kurapsyon sa mga nasabing proyekto.