Nagsagawa ng ocular inspection ang Sandiganbayan Third Division sa isang umano’y “ghost project” sa Pandi, Bulacan na sangkot sa kasong malversation through falsification laban kay dating senador Ramon ”Bong” Revilla Jr. at iba pang akusado.
Bahagi ang inspeksyon sa pagdinig ng korte kaugnay ng mga petisyon para sa piyansa na inihain ni Revilla at dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office na kanyang mga kapwa akusado.
Sa isinagawang pag-iinspeksyon, tinanong ng hukuman ang kinatawan ng DPWH kung anong estado na ng proyekto ang makikita sa lugar. Ayon sa opisyal, wala umanong nakikitang anumang estruktura o malinaw na progreso sa proyekto base sa kanilang obserbasyon.
Gayunpaman, tumanggi ang ilang kampo ng mga akusado na sumang-ayon na walang proyekto sa lugar. Anila, maaaring may mga bahagi ng proyekto tulad ng sheet piles na nakabaon sa lupa kaya hindi agad nakikita sa ibabaw.
Sa sumunod na pagsusuri, kinilala ng prosekusyon na may ilang bahagi nga ng sheet piles na naobserbahan sa lugar, bagama’t napapalibutan na ito ng makapal na damo at kinakalawang na rin.
Iginiit naman ng kampo ni Revilla na wala siyang kinalaman sa naturang proyekto.
Magugunitang ang kaso ay isinampa ng Office of the Ombudsman noong Enero 2026.
Sa arraignment noong Pebrero, tumanggi si Revilla na magpasok ng plea kaya’t not guilty ang ipinasok ng korte para sa kanya.
Samantala, ang iba pang akusado ay nagpasok din ng not guilty plea.
















