-- Advertisements --

Nakarating na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isyu na may mga kwestiyunableng proyekto ang nakalusot at napasama sa 2026 National Expenditure Programs (NEP). 

Sa isang ambush interview kay Pangulong Marcos, inihayag nito na sa kabila ng kaniyang mahigpit na kampanya laban sa mga maanomalyang proyekto sa flood control projects may mga indibidwal pa rin ang hindi natitinag at nagsingit pa rin ng mga kwestiyunableng proyekto.

Dahil dito, binigyang-diin ng Pangulo na panahon na para linisin at ilagay sa ayos ang lahat upang matigil na ang mga maanomalyang mga proyekto sa imprastraktura. 

Una ng inihayag ng Punong Ehekutibo na mananagot ang mga opisyal at contractors na sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Sa ngayon nasa proseso na sa pagbuo ng Independent Committee na siyang mag-iimbestiga sa mga anomalya sa mga infrastructure projects.

Nais ng Pangulo na ang Independent Committee ay bubuuin ng mga forensic investigators, lawyers at prosecutors na siyang susuri sa mga ebidensiya at mag rerekumenda sa Department of Justice (DOJ) at Ombudsman para sampahan ng kaukulang kaso ang sinuman mapatunayang may kasalanan.