CEBU CITY – Kakila-kilabot ang natagpuang ulo ng isang sanggol na umano’y tinangay ng isang aso sa Sitio Lubas 1, Purok 10, Brgy. Camp 7, Minglanilla, Cebu nitong Enero 5, 2026.
Unang nakakita sa insidente si Judy Enriquez Obcial.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu News Team, isinalaysay niyang habang naglalakad sa kalsada malapit sa kanilang bahay ay napansin niya ang isang aso na may dalang pinaniniwalaang ulo ng bagong silang na sanggol. Agad niya itong ipinaalam sa mga opisyal ng barangay.
Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na ang sanggol ay iniwan lamang ng hindi pa nakikilalang suspek.
Nasa kustodiya na ng kapulisan ang narekober na ulo habang patuloy na pinalalalim ang imbestigasyon sa kaso.
Sa kasalukuyan, tinutukoy pa ng mga otoridad ang mga magulang ng bata at sinusuri ang mga kuha ng CCTV sa lugar upang matukoy ang mga “person of interest” bago naganap ang insidente.
Kaugnay nito, nagsindi ng kandila at nag-alay ng dasal ang mga residente sa lugar kung saan natagpuan ang ulo ng sanggol.
Nanawagan din si Judy sa mga magulang ng bata na sana’y pinalaki na lamang nila nang maayos ang sanggol at hindi pinabayaan o inabuso.
















