-- Advertisements --

Nanawagan ngayon ang mga otoridad sa publiko, lalo na sa mga kabataan na mahalagang pairalin ang pag-iingat sa mga lakad at pagligo sa dagat man o sa ilog.

Ito ay kasunod ng insidente ng pagkalunod noong Enero 1, na humantong sa pagkasawi ng isang 13 taong gulang na lalaki sa Brgy. Payao bayan ng Duero, Bohol.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PEMS Stephen Aceron, Deputy chief of Police ng Duero Municipal Police station, kasama ng biktima ang apat na iba pang mga menor de edad na mga kaibigan na pumunta sa katabing barangay para maglaro ng basketball.

Subalit, nang makarating sila sa lugar, napansin nilang wala namang ibang naglalaro, kaya’t napagdesisyunan nilang pumunta at maligo na lang sa Payao dam.

Sinabi pa ni Aceron na bagama’t madalas paliguan ang naturang dam, ito ang unang naitalang insidente ng pagkalunod sa lugar.

“Palagi namang may naliligo sa dam ngunit ngayon pa lang talaga nakapagtala na may nalunod doon. Pareho kasing mga menor de edad ang mga ito kaya walang sumubok na iligtas ang biktima at wala ding mga alam sa basic first aid,” saad ni Aceron.

Nagawa pa umano itong isugod sa pagamutan ngunit idineklarang dead-on-arrival.

Kaugnay nito, nagsagawa na rin umano ng pagsusuri at nagpatupad ng mga hakbang ang local na pamahalan para maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Paalala pa niya sa publiko lalo’t naka-vacation mode pa ang karamihan, na sana’y maging responsable at mag-ingat sa kanilang mga aktibidad.

“Sana’y pagbutihin na maging maingat lalo na ngayong naka-vacation mode pa after pagsalubong ng Bagong taon. Mag-ingat, wag masyadong damihan ang pag-inom ng nakalalasing na inumin, at magpray para sa kaligtasan,” dagdag pa nito.