-- Advertisements --

Hiniling ng Ukraine sa Organization for the Prohibition of Chemical Weapons (OPCW) na imbestigahan ang paggamit ng Russia sa umano’y ipinagbabawal na chemical weapons laban sa Ukranian troops.

Isinampa ang kahilingan kasunod ng ulat mula sa mga intelligence ng Netherlands at Germany na nagsasabing may ebidensya ng malawakang paggamit ng mga chemical weapons ng Russia sa frontlines ng digmaan.

Ayon naman kay OPCW Director-General Fernando Arias na paiigtingin na nila ang pagmamatyag sa mga lugar kung saan naiulat na ginagamitan ng chemical weapon at hinikayat din ang Ukraine na talakayin ang panukala sa mga miyembro ng estado.

Kailangan kasi munang suportahan ng mayorya ang kahilingan upang maisakatuparan ang imbestigasyon.

Layon ng panukala na mangalap ng karagdagang ebidensya at tukuyin ang mga may sala, tagapag-organisa, at tagapondo ng paggamit ng mga chemical weapons.

Batay sa ulat ng Dutch Military Intelligence, tatlong sundalo ng Ukraine ang namatay at mahigit 2,500 ang nagpakita ng sintomas ng kemikal sa kanilang katawan.

Samantala, isinama ng United Kingdom sa kanilang chemical weapons sanctions list ang dalawang indibidwal at isang entity mula Russia bilang bahagi ng parusa kaugnay ng paggamit ng ipinagbabawal na armas.

Wala pang opisyal na tugon ang OPCW sa kahilingan ng Ukraine habang nagpapatuloy ang apat na araw na closed door meating ng mga executive nito.