-- Advertisements --

NAGA CITY – Kanselado muna ang pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral sa Camarines Sur.

Ito’y ilang araw matapos manalasa ng Super Typhoon Rolly nitong weekend.

Sa memorandum na ipinalabas ni Camarines Sur Gov. “Migz” Villafuerte, nakasaad na wala munang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan dahil wala pa ring supply ng kuryente at mahina pa ang internet connections.

Nabatid na naging epektibo ang kautusan simula Nobyembre 3 hanggang Nobyembre 7 ngunit maaari pa itong mabago depende sa sitwasyon ng lalawigan.

Kung maaalala, bago pa man dumating ang Bagyong Rolly ay distance learning na ang ginagamit ng mga estudyante sa pag-aaral dahil sa new normal situation dala ng coronavirus pandemic.

Samantala, naglabas din ng pahayag ang Department of Education (DepEd)-Bicol hinggil sa pagsuporta nito sa mga local government unit na nagpapatupad ng class suspension sa mga lugar na labis na naapektuhan ni “Rolly.”

Anila, pansamantalang suspendido ang modular at online classes hanggang sa ganap ng maibalik ang supply ng kuryente.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang assessment ng DepEd sa kabuuang halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Rolly partikular sa sektor ng edukasyon.