Nanindigan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na updated si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanilang mga ginagawang hakbang ukol sa kontrobersyal na flood control projects.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Bonoan na isinasama pa siya ng pangulo sa mga inspeksyon at regular din siyang nagbibigay dito ng ulat.
Maging ang mga ipinapatupad na pagtanggal, suspensyon at pagsisiyasat ay ipinararating sa punong ehekutibo.
Sa ngayon sampung opisyal ng DPWH Bulacan ang inalis sa kanilang mga puwesto at inilagay sa “floating status.”
Kaugnay nito, muling nanindigan si Bonoan na hindi siya magbibitiw sa puwesto.
Sa halip, ipinahayag niyang ipagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga iregularidad, partikular sa Bulacan, kung saan natuklasan ang mga proyektong bayad na ngunit walang aktuwal na konstruksyon.
Dagdag pa ng opisyal, nananatiling buo ang tiwala niya sa kanyang mga tauhan at sa kakayahan ng ahensya na linisin ang hanay nito.