Naibenta sa auction sa halagang $33,077.16 o mahigit P1.6 milyon ang tuwalya na ginamit ng nasawing si NBA star Kobe Bryant sa kaniyang huling laro.

Ang nasabing tuwalya ay unang nakuha ng isang fan noong 2016 at naibenta noon sa halagang $8,365 o mahigit P420,000.

Nabili ito noon ni David Kohler na isang Lakers fan at memorabilia collector kaya naibenta niya sa Iconic Auctions president Jeff Woolf.

Sa nasabing huling laro ay nakapagtala ng 60 points si Bryant sa panalo ng Lakers 101-96 kontra Utah Jazz noong Abril 13, 2016.

Sa nasabing laro ay tinapos na ng NBA legend ang kaniyang 20-taon career na mayroong limang NBA titles at 18 All-star game appearance.

Magugunitang pumanaw si Bryant kasama ang anak na si Gianna at pitong iba pa ng bumagsak ang kanilang sinakyang helicopter.