Mayroong idinagdag na tune-up games ang Gilas Pilipinas para sa kanilang paghahanda sa FIBA Asia Cup.
Ayon kay Gilas coach Tim Cone na makakaharap nila ang Jordan sa Agosto 2 at ito ay gaganapin na sa Jeddah, Saudi Arabia.
Ang nasabing tune-up games ay apat na araw bago ang unang laro nila sa torneo laban sa Chinese-Taipei.
Dagdag pa ni Cone na humiling ang Jordan na kung maari ay makalaro sila ng tune-up.
Inaasahan na aalis sa bansa ang Gilas sa Hulyo 31 at pagdating nila doon ay agad sila sasabak sa tune-up games.
Ang Jordan na 4th placer noong 2022 FIBA Asia Cup na ginanap sa Indonesia ay nakahanay ngayong sa Group C kasama ang China, India at host country na Saudi Arabia.
Bago ang kanilang send-off sa Saudi Arabia sa Hulyo 28 ay makakaharap nila ang Macau Black Bears.
Magsisimula ang laban ng Gilas Pilipinas laban sa Chinese Taipei sa Agosto 6 ng alas-2 ng madaling araw.
Susunod na laban nila sa Group D ang world number 22 na New Zealand sa Agosto 7 ng alas-11 ng gabi oras sa Pilipinas.
Huling laban ng Gilas sa group stage ay laban sa Iraq Agosto 9 ng alas-4 ng hapon.