Inanunsyo ni Interior Secretary Jonvic Remulla na plano niyang bumisita sa Kalayaan, Palawan kasunod ng pahayag ng Chinese Embassy na ipinagbabawal ang pagpasok sa China ng mga opisyal ng munisipalidad.
Binigyang-diin ni Remulla ang kanyang paninindigan sa soberanya ng Pilipinas, sabay sabing handa siyang pumunta sa Kalayaan kahit pa i-ban din siya ng China. Aniya, bahagi ng teritoryo ng bansa ang Kalayaan Island Group at may sarili itong local government unit.
Dagdag pa ng kalihim, layon ng kanyang pagbisita na patibayin ang soberanong pag-angkin ng Pilipinas sa lugar, na opisyal na isinama sa bansa noong 1978 sa bisa ng Presidential Decree No. 1596.
Nauna nang inanunsyo ng Chinese Embassy ang travel ban laban sa mga opisyal ng Kalayaan matapos ideklara ng LGU na persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan, dahil umano sa paglabag sa diplomatic protocol at pakikialam sa panloob na usapin ng Pilipinas.
Wala pang inilalabas na detalye ang DILG hinggil sa iskedyul at saklaw ng planong pagbisita ni Remulla. (report by Bombo Jai)















