Nilinaw ni PNP Chief Oscar Albayalde na hindi mapapaaga ang kanyang pagretiro na nakatakda sa Nobyembre 8 ngayong taon sa gitna ng kontrobersya sa “ninja cops.”
Sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar, nakausap nito si Gen. Albayalde na nagsabi umanong “misquoted” lamang siya o mali ang pagkaintindi sa kanyang pahayag.
Ayon kay Sec. Andanar, inihayag ni Gen. Albayalde na hindi ang kanyang retirement kundi ang turnover of command ang mapapaaga para bigyang-daan ang pagbiyahe ni Pangulong Duterte sa Thailand para dumalo sa ASEAN Summit.
Pero sa ngayon ay wala pa daw kumpirmasyon o official document ang Malacañang kaugnay sa kanyang proposal na isagawa na ang pagsasalin ng pwesto sa magiging kapalit nito sa Oktubre 29, imbes na sa araw ng kanyang pagreretiro sa Nobyembre 8.
Mananatili rin umano ang kanyang pagiging four-star general hanggang sa araw ng pagreretiro.
Inamin naman ni Gen. Albayalde na hindi siya nakonsulta o hiningan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng irerekomenda nitong ipapalit sa kanya sa pagiging PNP chief.
“Proposed date lang ‘yung Oct. 29 Sec kasi the President is leaving for the ASAN Summit. No confirmation nor an official docs from Malacañan yet. And it’s only a turn over of command if ever matuloy po. My retirement is still on Nov. 8. Thank you!” ang mensahe ni Gen. Albayalde kay Sec. Andanar.