Inamin ng bagong alkalde ng lungsod ng Maynila na si Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso na mayroong lumalalang problema ang kinakaharap ng kanyang nasasakupan.
Ayon mismo sa naturang alkalde, kanilang nararanasan ngayon ang hindi pa nareresolbang ‘krisis’ sa basura buhat ng siya’y makabalik muli sa puwesto.
Kung saan nagkalat ang mga di’ nakokolektang basura sa iba’t ibang bahagi ng lungsod na siyang kanyang nais masolusyon ng agaran.
Paliwanag ni Mayor Domagoso, ang pagkakaroon ng garbage crisis sa Maynila ay dahil na rin sa pag-terminate ng dalawang waste management companies ng kanilang kontrata sa pamalahaang panlungsod.
Ani pa niya’y ang lumalalang problema at isyu sa basura, ay matagal ng hinaing at inirereklamo sa kanya ng mga residente bago pa siya tuluyang makaupo at makabalik sa puwesto.
Kaya naman dahil dito, inihayag ng naturang alkalde na kanyang pakikilusin ang mga tauhan at mga departamento sa ilalim ng lokal na pamahalaan, matugunan lamang ang problema.
Kung saan kanya ring hiniling at panawagan maging sa National Government na sila’y matulungan na masolusyon ang krisis sa basura.
Partikular na sa kanilang paghingi ng tulong at asiste mula sa Metro Manila Development Authority o MMDA upang tugunan kahit pansamantala lamang muna ang isyu sa basura.
Samantala, nagsagawa ng inspeksyon kagabi ang naturang alkalde sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang maseguro ang implementasyon ng curfew lalo na sa mga menor de edad.
Kanyang nilibot ang mga bahagi ng Rotonda sa Espana Boulevard, R. Papa, Road 10, at Taft Avenue corner ng Padre Faura.
Ngayong araw naman inaasahang magaganap ang inaugural ceremony at state of the city address ng bagong alkalde ng lungsod na si Mayor Isko Domagos.