Naghain ngayong araw ang kapatid ni former Manila Mayor Honey Lacuna, na si Leilani Lacuna sa Office of the Ombudsman ng mga reklamo laban kay Mayor Francisco ‘Isko ‘ Moreno Domagoso at iba pang opisyal.
Ayon kay Leilani Lacuna, ex-officio ng city council ng Maynila, kanyang inihain ang mga reklamo sa Ombudsman bunsod ng umano’y ilegal na tanggalin mula sa pagiging presidente ng liga ng mga barangay.
Naniniwala siyang hindi dumaan sa tinatawag na ‘due process’ ang pagkakatanggal sa kanya bilang lider o presidente ng naturang liga. Kanyang inirereklamo ang alkalde ng Maynila na si Mayor Isko Moreno, kasama pati bise alkalde na si Chi Atienza, at iba pang opisyal ng lungsod.
Kanyang inihain ang partikular na mga reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Usurpation of Authority at kasong administratibo tulad ng Grave Misconduct, at Grave Abuse of Authority.
Bunsod nito, ibinahagi pa ni Leilani Lacuna ang nangyari sa umano’y ilegal na ‘special election’ isinagawa ng konseho sa lungsod. Kanyang ikinuwento na hindi raw siya inabisuhan nang magkaroon ng ‘general assembly’ ang Liga ng mga Barangay.
Nagulat na lamang aniya siya nang maipabatid sa kanya na bakante na ang kanyang posisyon bilang lider atiba pa matapos ang isinagawang ‘assembly’.
















