Ipinagpaliban ng Kamara ang nakatakda sanang public hearing ngayong araw hinggil sa usapin ng Manila Baywalk Dolomite Beach at mga pagbaha na naitala sa lungsod sa mga nakalipas na buwan.
Una nang sinabi ni House Committee on Accounts Chairman at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na kabilang sa mga ipinatawag nila si dating DENR Secretary Roy Cimatu upang talakayin ang naturang isyu.
Nabatid na si Cimatu ang nagsilbing kalihim ng DENR sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nang isagawa ang Dolomite project na nagkakahalaga ng mahigit P300 milyon.
Dahil sa ilang conflict sa schedule at iba pang konsiderasyon, itinakda na lamang sa mga susunod na linggo ang naturang pagdinig.
Bukod sa Dolomite Beach, saklaw din ng House Resolution 56 ang pagsisiyasat sa kabuuan ng Manila Bay Rehabilitation Program.
















