-- Advertisements --

Nanawagan ang aktres at komedyanteng si Tuesday Vargas sa kanyang kapwa mga artista na makiisa sa mga protesta laban sa korapsyon, kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa umano’y maanumalyang mga flood control projects ng pamahalaan.

Sa isang Facebook post nitong Huwebes, Setyembre 18, ibinahagi ni Tuesday ang kanyang larawan na may hawak na placard na may mensaheng “Lahat ng sangkot, dapat managot.”

Makikita rin sa placard ang mukha nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Vice President Sara Duterte, at iba pang matataas na opisyal tulad nina Martin Romualdez, Senator Jinggoy Estrada, Bong Go, Joel Villanueva, at ang kontrobersyal na kontraktor na mag-asawang Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya.

Sa hiwalay na post, ibinahagi rin ni Tuesday ang art card na may mensaheng: “Artista ng Bayan, Manindigan Laban sa Korapsyon.”

Sa caption, hinikayat niya ang mga kapwa artista na: “Panahon na para kumilos. Iparamdam natin ang ating hinaing at galit sa mga korap at magnanakaw… Panagutin ang mga mandarambong. Abolish pork barrel. Alisin ang confidential funds.”

Dagdag pa niya, nananawagan siya ng pagkakaisa upang talakayin kung paano magsama-samang lumaban bilang mamamayan at bahagi ng lipunan.