-- Advertisements --

Ipinahayag ng komedyante at TV host na si Tuesday Vargas ang kanyang kalungkutan sa nalalapit na kaarawan dahil sa patuloy na pagdurusa ng mga Pilipino matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Tino.

Sa isang Facebook post noong Nobyembre 5, inilahad ni Tuesday ang kanyang pagkadismaya sa kawalan ng pananagutan sa umano’y P26-billion flood control projects sa Cebu, na dapat sana’y nakapigil sa matinding pagbaha. Ayon sa kanya, masyado nang matagal ang pagdurusa ng taumbayan dahil sa korapsyon.

Ipinahayag pa ni Tuesday na ang kanyang “birthday wish” na sana daw hindi lang dapat makulong ang mga sangkot sa katiwalian kundi maibalik din sa taumbayan ang ninakaw na pondo upang mapakinabangan ng lahat.

Ayon sa tala ng Sumbong sa Pangulo website, noong 2022 hanggang nitong 2025, mayroong 414 na mga flood control projects na nagkakahalaga ng P26.7 billion sa Cebu. Gayunman, ayon kay Cebu Governor Pamela Baricuatro, natuklasan ng pamahalaang panlalawigan na karamihan sa mga proyektong ito ay “ghost” o substandard.