-- Advertisements --

Gumawa ng kasaysayan si Donald Trump bilang kauna-unahang pangulo ng Estados Unidos na dumalo sa pinakamalaking pagtitipon ng anti-abortion movement.

Humarap si Trump sa libu-libong mga ralyista sa ginanap na “March for Life” malapit sa US Capitol kung saan idinaraos naman ang impeachment trial laban sa kanya.

Dito ay muling iginiit ni Trump ang kanyang suporta para sa mas mahigpit na restrictions sa pagpapalaglag sa mga sanggol na nasa sinapupunan pa lamang ng kanilang mga ina.

“We’re here for a very simple reason: to defend the right of every child born and unborn to fulfill their God-given potential,” wika ni Trump.

Natuwa naman ang mga demonstrador sa naging pagdalo ng mismong pangulo ng Amerika sa okasyon.

Gayunman, ayon sa mga pro-choice groups, nililihis lamang daw ni Trump ang atensyon ng publiko sa impeachment.

Nagsimula ang taunang demonstrasyon noong 1973, na taon kung kailan ginawang ligal ng US Supreme Court ang abortion.

Bagama’t si Trump ang kauna-unahang American chief executive na dumalo nang personal sa okasyon, nauna nang nagbigay ng kanilang mga mensahe sa pamamagitan ng telephone calls ang mga dati ring mga US presidents na sina George W. Bush at Ronald Reagan. (CNN/ BBC)