-- Advertisements --

Muling ipinagtanggol ni U.S. President Donald Trump si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at tinawag na “political witch hunt” ang ginagawang paglilitis laban dito.

Ayon kay Trump, “terible” at hindi makatarungan para kay Netanyahu, na itinuturing niyang isang “War Hero” at lider na malaki ang naging kontribusyon sa relasyon ng Israel at Estados Unidos, pati na rin sa pagsugpo sa banta ng Iran.

Sa isang post sa Truth Social, sinabi pa ni Trump na ang paglilitis ay makakaapekto sa negosasyon ni Netanyahu sa Hamas, na kinasasangkutan ng pagpapabalik ng mga hostages.

Tinuligsa niya rin ang patuloy na paglilitis sa Prime Minister sa kabila ng mga seryosong isyu tulad ng seguridad ng bansa.

Pinuna pa ng Pangulo ng Amerika ang mga pag-aakusa kay Netanyahu, tulad ng pagtanggap ng mga mamahaling gamit mula sa mga negosyante kapalit ng mga pabor sa politika.

Samantala, patuloy na ipinaglalaban ni Netanyahu ang kanyang pagiging inosente at mariing itinanggi ang mga paratang laban sa kanya.

Magugunitang nagsimula ang paglilitis para sa Prime Minister noong 2020 para sa mga kasong bribery, fraud, at breach of trust.