Muling ipinagpaliban ng isang korte sa Israel ang testimonya ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu para sa kasong katiwalian, matapos itong humiling ng palugit upang harapin ang mga isyung pangseguridad kaugnay ng tigil-putukan sa Iran at nagpapatuloy na labanan sa Gaza.
Ayon sa korte, binago nila ang naunang desisyon matapos marinig ang mga argumento mula kay Netanyahu at mga pinuno ng militar at chief ng Mossad spy agency.
Kasabay nito, nanawagan si U.S. President Donald Trump na ibasura na ang kaso, na tinawag niyang isang “witch hunt” at humiling na i-kansela ito.
Binatikos naman ito ni Israeli opposition leader Yair Lapid, at sinabing hindi dapat nakikialam si Trump sa kanilang justice system.
Maalalang si Netanyahu ay nahaharap sa tatlong kaso ng katiwalian, kabilang ang pagtanggap umano ng mamahaling regalo mula sa mga bilyonaryo kapalit ng pabor sa pulitika, at pagtatangkang impluwensyahan ang media para sa mas positibong coverage.
Noong Mayo 2020, nagsimula ang paglilitis ni Netanyahu ngunit ilang ulit nang naantala dahil sa mga kahilingan ng panig ng Prime Minister.