-- Advertisements --

Dinipensahan ni US President Donald Trump ang kanyang mga pahayag sa social media na tila pagsuporta sa mga kilos-protesta kontra sa mahigpit na lockdown measures sa ilang mga estado sa Amerika.

Ayon kay Trump, masyado raw kasi mahigpit ang ilang mga hakbang na ipinapatupad sa mga estado ng Minnesota, Michigan, at Virginia.

Sa kanya kasing naunang mga post sa Twitter, inihayag ni Trump na i-liberate o palayain na ang nabanggit na mga estado.

Ang mga hakbang na ipinapatupad ng Amerika, kasama na ang stay at home order, ay kinakailangan para mapigilan ang pagkalat pa ng coronavirus.

Gayunman, idinaraing ng mga demonstrador ang umano’y hindi makatarungang paglimita sa kanilang pagkilos, pati na rin ang posibleng masamang dulot nito sa ekonomiya. (BBC)