Isang lalaking Australyano edad 50 ang nasawi matapos makagat ng paniki na may Australian bat lyssavirus (ABLV) — isang bihirang rabies-like virus, ayon sa ulat ng mga opisyal sa New South Wales (NSW).
Nauwi agad sa critical condition ang lalaki bago bawian ng buhay. Kinumpirma ng NSW Health na wala pang mabisang lunas laban sa naturang virus, na unang natuklasan noong 1996 at may tatlong kumpirmadong kaso lamang ng tao ang naiulat na meron nito sa mundo —lahat ay nauwi sa kamatayan.
Nabatid na ang ABLV ay naipapasa kapag ang laway ng paniki ay pumasok sa katawan ng tao sa pamamagitan ng kagat o galos.
Maaaring magpakita ng sintomas makalipas ang ilang araw o taon, tulad ng lagnat, pananakit ng ulo, at panghihina, na kalaunan ay mauuwi sa paralysis, delirium, kombulsyon, at nauuwi sa kamatayan.
Pinayuhan ng NSW Health ang publiko na iwasang hawakan o lapitan ang mga paniki, dahil anumang paniki sa Australia ay maaaring may ABLV.
Payo ng mga eksperto kung makagat o makalmot ng paniki, agad na hugasan ang sugat sa loob ng 15 minuto gamit ang sabon at tubig, at gamitan ng antiseptic. Kailangan ding magpagamot gamit ang rabies immunoglobulin at rabies vaccine.