Naitala ng Department of Health (DOH) ang 124 kaso ng rabies sa bansa mula Enero 1 hanggang Mayo 17, 2025. Ito ay katumbas aniya ng 32% na mas mababa kumpara sa 183 kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Dr. Albert Domingo, pinakamaraming kasong naitala ng ahensya ay nagmula sa Central Luzon (21), sinundan ng Zamboanga Peninsula (15), at Calabarzon (12).
Bagama’t mababa ang bilang, binigyang-diin ni Domingo na ang rabies ay lubhang nakamamatay kapag nagsimula na ang sintomas kung saan 100% ang case fatality rate nito.
Pinayuhan naman ng DOH ang publiko na pabakunahan ang mga alagang hayop laban sa rabies dahil libre naman aniya ito sa mga lokal na pamahalaan at maaari ring mag pabakuna sa mga pribadong bakunahan na umaabot sa P100 hanggang P400 ang singil.
Samantala, kung makagat, makalmot, o madilaan ng hayop, agad na magpabakuna.
Sa ibang banda ang post-exposure prophylaxis ay maaaring umabot ng hanggang pitong dose, na makukuha sa mga pampublikong health center.
Saklaw din ng PhilHealth ang animal bite package na nagkakahalaga ng P5,850 para sa gamot, bakuna, at iba pang pangangailangang medikal.