Naaresto na ng mga awtoridad sa Colombia ang pangunahing suspek sa pamamaril kay Senador Miguel Uribe, isang potensyal na kandidato sa pagkapangulo.
Kinilala ang suspek na si Elder Jose Arteaga, kilala bilang El Costeño, na naaresto noong Sabado sa Bogotá, ayon sa kumpirmasyon ng police chief.
Nauna nang naglabas ang Interpol ng red notice laban kay Arteaga. Naaresto siya sa isang operasyon sa kanlurang bahagi ng Bogotá, base sa footage na kumalat sa social media.
Si Arteaga ay pinaniniwalaang nagplano at nag-organisa ng pag-patay noong Hunyo 7, kabilang ang pagbibigay ng baril sa isang 15-anyos na menor de edad na diumano’y siyang bumaril kay Uribe.
Ayon sa pulisya, may mahigit 20 taong record ng criminalization si Arteaga.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong aggravated attempted homicide, ilegal na pagdadala ng armas, at paggamit sa menor de edad para sa krimen.
Samantala nagbigay naman ng gantimpala si Colombian Defense Minister Pedro Sanchez ng 3 billion pesos (mahigit $750,000) para sa makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga utak ng krimen.
Nakikipagtulungan na sa imbestigasyon ang mga bansa sa Estados Unidos, United Kingdom, at United Arab Emirates.
Matatandaan na si Senador Uribe, 39 anyos, ay tatlong beses tinamaan ng bala — dalawa sa ulo at isa sa binti — at nananatiling kritikal parin matapos sumailalim sa serye ng operasyon. Miyembro si Uribe ng Democratic Center Party, at kabilang din sa mga nangungunang pangalan sa oposisyon.
Kilala din bilang political family ang Senador kung saan ang kanyang lolo ay dating Presidente ng bansa.