-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa iba’t ibang sakit na karaniwang tumataas tuwing tag-ulan. Ayon sa DOH, ang leptospirosis ang pinakamaraming naitalang kaso noong serye ng bagyo at malalakas na pag-ulan noong 2024.

Paalala ni DOH spokesperson Asec. Albert Domingo, mahalagang maghugas agad ng katawan gamit ang malinis na tubig at sabon kapag nalusong sa baha, at agad na kumonsulta sa doktor kung kinakailangan.

Bukod sa leptospirosis, karaniwan ding tumataas ang kaso ng ubo at sipon, pagtatae, trangkaso, at dengue tuwing maulan.

Hinimok ng DOH ang publiko na palakasin ang resistensya, panatilihin ang malinis na katawan, at umiwas sa maruruming lugar.

Samantala, ayon sa PAGASA, posibleng pumasok ang 11 hanggang 20 bagyo sa nalalabing buwan ng 2025, ngunit inaasahang mas mahina ang mga ito kumpara sa mga nagdaang taon.