Binatikos ni U.S. President Donald Trump ang mga lider ng Europa, na tinawag niyang “mahihina,” at nagbanta na posibleng bawasan ng Estados Unidos ang suporta nito sa Ukraine.
Ginawa niya ang pahayag matapos umanong mabigo ang ilang bansa sa Europa na kontrolin ang migration at wakasan ang matagal nang digmaan sa Ukraine.
Bilang tugon, bumuwelta si UK Foreign Secretary Yvette Cooper at iginiit na nananatiling matatag ang Europa, lalo na sa patuloy na pagtaas ng kanilang suporta para sa military defense ng Kyiv laban sa agresyon ng Russia.
Samantala, patuloy namang pinipilit ni Trump si Ukrainian President Volodymyr Zelensky na pumayag na sa isang kasunduan sa kapayapaan, kabilang ang pagsuko ng ilang teritoryo ng Ukraine, isang kondisyon na hinihingi ng Russia upang itigil ang kanilang pag-atake.
Mariin namang tumutol si Zelensky at sinabing hindi kailanman magbibigay ang Ukraine ng teritoryo nito sa Russia. Ayon sa kanya, handa nilang ilahad sa Estados Unidos ang mga hakbang para sa posibleng pagtatapos ng digmaan, ngunit iginiit niyang hindi nila maaaring talikuran ang kanilang legal at moral na obligasyong protektahan ang bawat bahagi ng kanilang bansa, alinsunod sa umiiral na batas ng Ukraine at ng international law.















