Sinabi ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky na naging makabuluhan ang kanyang pakikipag-usap sa mga US Special Envoy na sina Steve Witkoff at Jared Kushner.
Na ayon kay Zelensky, nagbunga ng bagong ideya para isulong ang kapayapaan sa nagpapatuloy na digmaan ng Russia at Ukraine.
Napagalaman na napagkasunduan ng mga opisyal ng Amerika at Ukraine ang isang bagong ”20-point peace plan” na kinabibilangan ng posibleng pag-atras ng mga tropa ng Russia sa silangang bahagi ng Ukraine, pagtatatag ng demilitarized zone, at garantiya ng seguridad mula sa US, North Atlantic Treaty Organization (NATO), at mga bansa sa Europa.
Nauna naman nang nanindigan si Volodymyr Zelensky na wala silang isusukong teritoryo sa Russia.
Sa ngayon, kontrolado na ng Russia ang nasa 85% ng Donbas Region.
Samantala, patuloy pa ring sinusuri ng Russia ang bagong panukala habang nagpapatuloy ang sigalot sa dalawang bansa, kung saan kapwa ay nag-ulat ng mga pambobomba at pag-atake sa Donetsk.
















