-- Advertisements --

Kinumpirma ng kataastaasang hukuman o Korte Suprema na binawi na nito ang inisyung Temporary Restraining Order (TRO) sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Program ng Metro Manila Development Authority o MMDA.

Sa pulong balitaan na isinagawa sa Korte Suprema, inihayag mismo ni Atty. Camille Sue Mae Ting, Spokesperson ng Supreme Court, na ang desisyong ito ay mula sa sesyon ng En Banc na isinagwa ngayong araw.

Kung saan kinatigan ng kataastaasang hukuman ang inihaing ‘urgent motion’ ng MMDA sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General na i-lift na ng Korte Suprema ang nauna nitong Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas noon pang 2022.

Agaran naman itong tinugunan ng korte at inilabas ang desisyon pagpabor sa hiling ng Metro Manila Development Authority na maibalik muli ang implementasyon ng MMDA Resolution No. 16-01 o ang No Contact Apprehension Program.

Ngunit paglilinaw naman ng Korte Suprema na ‘partially lifted’ lamang ang naturang Temporary Restraining Order o TRO.

Kaya’t ani Spokesperson Camille Sue Mae Ting na pangunahing kalsada lamang ang saklaw nito at hindi kasama pati ang implementasyon sa ordinansa ng mga lokal na pamahalaan o Local Government Units.

Kaya’t ang pagpapatupad ng NCAP o No Contact Apprehension Program ng MMDA ay sa mga kalsadang itinuturing lamang na ‘Major thoroughfare’ katulad ng EDSA at C5.

Giit pa ng naturang tagapagsalita ng Korte Suprema na maari na din itong ipatupad at agarang isagawa ang implementasyon ng programa.