-- Advertisements --

Nakatakdang magsagawa ng malawakang kilos-protesta ang simbahan at ilang civil society groups sa darating na Setyembre 21, bilang bahagi ng tinaguriang “Trillion Peso March.”

Isasagawa ang unang pagtitipon sa Luneta Park sa ganap na alas-9 ng umaga, at susundan naman ng isa pang pagkilos sa People Power Monument sa ganap na alas-2 ng hapon.

Sigaw ng mga kalahok ang hustisya at pananagutan sa lumalalang isyu ng korapsyon sa bansa. Nilinaw ng mga organisador na hindi nila layong pabagsakin ang gobyerno, kundi itulak ang mas maigting na kampanya laban sa katiwalian. Nakaapela na rin sila ng mga permit sa lokal na pamahalaan ng Maynila at Quezon City para sa naturang pagtitipon.

Hinimok ni Fr. Albert Delvo ang lahat ng makikilahok na manatiling mapayapa at umiwas sa anumang kaguluhan.

Samantala, iginiit ni Francis Aquino Dee na hindi sila kuntento sa pagbubuo ng Independent Commission on Infrastructure dahil wala umanong kinatawan mula sa civil society. Nanawagan siya sa Kongreso na bigyan ng “ngipin” ang batas upang masigurong may mananagot sa maanomalyang flood-control projects.

Ngayong araw nakumpleto na ang komisyon sa pamumuno ni dating SC Justice Andres Reyes at may dalawang commissioner na sina Ex-DPWH Sec Rogelio Singson at isang public accountant Rossana Fajarado. Habang si Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang magiging special adviser.

Dagdag pa ni Dee, tinatayang mahigit 15,000 katao ang lalahok sa nasabing kilos-protesta.