-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nadepensahan ng Tribu Linabuanon ang kanilang championship title sa Kalibo Sadsad Ati-Atihan Contest sa Tribal Big Category.

Bilang grand winner ngayong taon, tinalo ng grupo ang anim na iba pang competing tribes sa Tribal Big Category at muling nag-uwi ng P1.1 milyon na cash prize.

Ang naturang kategorya ang major contest sa inaabangang Kalibo Señor Santo Niño Ati-Atihan Festival, at may pinakamalaking inilaang cash prize.

Ayon kay Rendel Bonifacio Ortega, lider it grupo, labis ang kanilang tuwa at pasasalamat matapos mapanatili ang kampeonato ngayong taon.

Aniya, sulit ang kanilang sakripisyo at pagod sa halos pitong buwang paghahanda sa paggawa ng costume at praktis sa patik ng tambol bago ang competition proper.

Naniniwala umano siyang may laban sila pero hindi gaanong umasa dahil pawang magaganda at handang-handa rin ang ibang mga kalahok.

Para sa kanya ang kanilang tagumpay ay bunga ng kanilang debosyon at panata kay Señor Santo Niño.

Bukod sa championship title at grand prize, nagwagi rin ang Tribu Linabuanon ng limang special awards na Best in Costume, Best in Beats and Sounds, Best in Street Dancing, at Best in Headdress na may tig-P5,000 na premyo ang bawat isa.

Sa kabilang daku, ang iba pang mga nagwagi sa Tribal Big Category ang Black Beauty Boys bilang first runner-up na may P400,000 na preyo; second placer ang Vikings at sinundan ng Tribu Alibangbang na nakamit ang Most disciplined award.

Sa Tribal Small Category, nanguna ang Tribu Tampogaling na nagwagi ng tatlong special awards. Sumunod ang Tribu Kabog at Tribu Bukid Niñolitos sa ikatlong pwesto.

May kabuuang 31 na tribu at grupo ang nagparehistro at lumahok sa Kalibo Sadsad Ati-Atihan Contest ngayong taon.