-- Advertisements --

Pinalawig pa ng Pilipinas ang travel ban sa mga nanggagaling sa India ng hanggang katapusan ng Mayo para hind na kumalat pa ang panibagong variant ng COVID-19.

Sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na bukod sa India ay isinama nila ang mga bansang Oman at United Arab Emirates (UAE) na bawal pumasok ang mga ito sa bansa mula Mayo 15 hanggang 31.

Dagdag pa ni Roque na ang mga nasa biyahe na bago ang Mayo 15 ay papayagang makapasok subalit kailangang pa rin na sumailalim ang mga ito ng 14-day quarantine at dapat mayroong negatibong resulta ng RT-PCR test.

Unang ipinagbawal ng gobyerno ang mga pagpasok ng mga galing sa India, Bangladesh, Pakistan, Nepal at Sri Lanka dahil sa pangamba ng pagkalat ng bagong variant ng COVID-19.

Pinatitiyak din ng gobyerno sa mga airline companies na mahigpit na pagbawalan ang mga pasahero na sakop ng nasabing travel ban.