Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang tinatayang ₱14.9 milyong halaga ng high-grade marijuana, na mas kilala bilang kush kasunod ng kanilang isinagawang operasyon.
Resulta ito ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa pagpupuslit ng iligal na droga sa bansa.
Batay sa inisyal na operasyon, natuklasan ang isang bagahe, na naglalaman ng 18 vacuum-sealed pouches.
Ang mga pouch na ito ay naglalaman ng halos 9,940 gramo ng pinatuyong dahon na pinaniniwalaang high-grade marijuana o kush na agad namang kinumpiska at isasailalim sa masusing pagsusuri.
Ang operasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Tiniyak ng Bureau of Customs na patuloy nilang poprotektahan ang mga paliparan at iba pang hangganan ng bansa laban sa anumang tangkang pagpasok ng kontrabando, kabilang na ang iligal na droga.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, ang matagumpay na pagkakasabat na ito ay nagpapakita ng pinalakas na koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.















