-- Advertisements --

Tinutulan ng drug war victims ang kahilingan ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa impormasyon ng ilang participants na maaaring tawagin bilang testigo ng prosekusyon sa kaso ng dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ito ang nakasaad sa isinapubliko ng ICC na walong pahinang public redacted document na may petsang Disyembre 19 na nilagdaan ni Office of Public Counsel for Victims principal counsel Paolina Massidda na nagsisilbing legal representative ng umano’y mga biktima sa kaso laban sa dating Pangulo.

Ikinatuwiran ni Massida na ang pagsang-ayon sa kahilingan ng kampo ni Duterte ay magko-kompormiso sa kaligtasan at kapakanan ng mga biktima, na paglabag aniya sa mga probisyon ng Rome Statute

Kung saan, ang impormasyong hinihingi ng depensa ay maaaring magresulta sa pagbubunyag ng impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng mga biktima na kabilang sa Group A, na isa sa tatlong grupo ng mga biktima na nag-apply na makibahagi sa kaso.

Matatandaan, sa request ng lead defense counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman noong Setyembre 2, hiniling niya sa Pre-Trial Chamber I na ipaalam kung mayroong aplikanteng drug war victim sa Group 1 ang konektado sa mga nabanggit sa isang section ng Article 15 communication ni ICC Prosecutor Karim Khan, na na-dismiss mula sa kaso ng dating Pangulo.

Iginiit ni Kaufman na ang imbestigasyong isinagawa sa ilalim ni Khan ay ‘kontaminado’ dahil sa magkasalungat na obligasyon ni Khan kabilang ang nakalipas na pagkatawan niya sa dating mga kliyente niya na umano’y mga biktima ng drug war ni dating Pangulong Duterte.