-- Advertisements --

Kinumpirma ng pamunuan National Capital Region Police Office (NCRPO) na suspendido ang PTCFOR o Permit to Carry Firearms Outside Residence sa ilang lugar sa Maynila sa loob ng tatlong araw.

Ito ay may kaugnayan sa Pista ng Itim na Nazareno o Traslacion 2020.

Pirmado ni Philippine National Police officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa ang inilabas na memorandum hinggil sa PTCFOR suspension.

Ang mga lugar na sakop sa nasabing suspensyon ay ang Quiapo, Sta. Cruz at Binondo, Manila.

Naging epektibo ito alas-8:00 ng umaga, January 8, at magtatapos ito alas-8:00 ng umaga pa sa January 10.

Ayon kay NCRPO chief B/Gen. Debold Sinas, ang suspension ng PTCFOR ay bahagi ng kanilang security preparations para matiyak na maging maayos at mapayapa ang Traslacion at matiyak ang kaligtasan ng mga deboto maging ng mga turista.

Tanging ang mga pulis, sundalo at iba pang law enforcement agencies na naka-duty at naka-uniporme aniya ang maaaring magbitbit ng armas.

Tiniyak naman ni Sinas na wala silang namomonitor na banta sa seguridad sa Traslacion 2020.