-- Advertisements --

Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa loob ng 24 oras ang Severe Tropical Storm (STS) “Podul”, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ngayong araw ng Linggo, Agosto 10.

Batay sa weather forecast ng state weather bureau ang STS “Podul” ay patuloy na bumibilis habang nananatili ang lakas nito. Kapag nakapasok sa PAR, papangalanan itong “Gorio.”

Huling namataan ang STS sa layong 1,615 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon at kasalukuyang nasa labas pa ng PAR.

Habang may taglay ito ng maximum sustained winds na 110 km/h, pagbugsong aabot sa 135 km/h, at may central pressure na 985 hPa. Kumikilos pa-kanluran sa bilis na 20 km/h, at may lakas ng hangin na umaabot hanggang 280 km mula sa gitna.

Kumikilos din pakanluran ang STS “Podul” simula ngayon at bukas (Agosto 11) at posibleng kumilos pakanlurang-kanluran o hilagang-kanluran mula Agosto 12 hanggang sa mga susunod na araw.

Hindi inaasahang direktang makaapekto sa lagay ng panahon at karagatan ng Pilipinas ang STS “Podul” sa loob ng susunod na limang araw.

Gayunpaman, posibleng dumaan ito malapit o sa ibabaw ng southern Ryukyu Islands sa Agosto 13 (Miyerkules) at may posibilidad ding mag-landfall sa Taiwan sa hapon o gabi ng parehong araw.

Samantala nagpaalala naman ang weather bureau sa publiko at sa mga tanggapan ng disaster risk reduction and management na patuloy na subaybayan ang mga update kaugnay ng naturang bagyo.