Napanatili ng bagyong Gorio (Podul) ang taglay nitong lakas ng hangin matapos pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ito ay kasalukuyang nasa severe tropical storm category.
Namataan ang sentro ng bagyo ay nasa layong 1,305 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na 110 km/h malapit sa gitna, bugso hanggang 135 km/h, at may central pressure na 985 hPa.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 25 km/h, habang ang lakas ng hangin ay umaabot hanggang 280 km mula sa gitna.
Sa ngayon, wala pang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) na nakataas sa alinmang bahagi ng bansa. Gayunpaman, kung magbabago ang direksyon ng bagyo patimog, posibleng itaas ang Signal No. 1 sa Extreme Northern Luzon.
Bagamat hindi inaasahang direktang maaapektuhan ang bansa sa loob ng susunod na tatlong araw, magdudulot ito ng katamtamang pag-alon (1.0–1.5 metro) sa baybayin ng Extreme Northern Luzon. Pinapayuhan ang mga mangingisda, lalo na ang gumagamit ng maliliit na bangka, na mag-ingat o iwasang pumalaot, lalo na kung kulang sa kagamitan o karanasan.
Ayon sa forecast models, magpapatuloy ang westward na galaw ng GORIO sa susunod na 24 oras, bago ito kumilos west-northwest simula bukas ng hapon (Agosto 12). Posibleng tumama ito sa hilagang-silangang baybayin ng Taiwan sa Miyerkules (Agosto 13) at lumabas ng PAR sa gabi ng Miyerkules o madaling araw ng Huwebes.
Inaasahan ding aabot ito sa typhoon category sa loob ng 12 oras bago unti-unting humina.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko at mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng mga kaukulang hakbang upang maprotektahan ang buhay at ari-arian, lalo na sa mga lugar na mataas ang panganib sa malalakas na hangin at pag-ulan.