Kabilang sa naaresto ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong mga menor de edad sa naging engkwentro sa pagitan ng otoridad at ng Maute Group sa Lanao del Sur nitong Biyernes, Agosto 9.
Ayon kay PNP Chief PGen. Nicolas Torre III ang mga child warriors na nahuli sa operasyon, ay kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Philippine Army at nakatakda na iturn-over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga interventions na kakailanganin.
Paliwanag pa ng hepe, isa lamang ito sa mga aniya’y kasuklam-suklam na modus opirandi ng Maute Group para magamit sa mga engkwetro.
Wala naman din aniyang ibang gawain ang naturang grupo kung hindi sirain ang kapayapaan sa mga komunidad para unahin ang kani-kanilang mga pansariling interes.
Samantala, tiniyak naman ni Torre na nagpapatuloy ang kanilang pursuit operations sa mga recruiters ng mga batang nahuli mula sa grupo para masampahan ng mga kaukulang kaso at tiyaking mapapanagot sa batas ang kanilang mga ginawang aksyon.
Maliban naman sa law enforcement operations ay mayroon din silang ikinakasang mga internal security operations kabilang na rin ang mga paaralan at mga lokal na pamahalaan para matukoy na kung sino ang nangunguna sa mga recruitment ng naturang grupo.
Maliban naman sa mga personalidad na nahuli at kasalukuyang nasa kustodiya na ng otoridad ay nakarekober din ang hanay ng mga highpowered firearms gaya ng M16, M14, M79, kalibre 45 na baril, at iba pang mga ar materials.
Sa kasalukuyan naman ang mga miyembro naman ng grupo na naaresto rin mula sa operasyon ay nasa kustodiya na ng Philippine Army sa Marawi kung san inihahanda na ang mga kasong isasampa sa mga personalidad na ito habang ilang mga miyembro naman ang nakatakas mula sa engkwetro na kasalukuyan namang tukoy na ang pagkakakilanlan.