-- Advertisements --

Naghain ngayong araw ang Makabayan bloc ng ‘Motion for Reconsideration’ sa Korte Suprema hinggil sa naging desisyon nito patungkol sa Impeachment.

Kung saan, dumating mismo ang mga kinatawan ng Makabayan party-list kasama ang ilang lider ng mga progresibong grupo sa pagsusumite ng mosyon.

Kanilang inihain ang consolidated motion for reconsideration and intervention upang umapela sa Korte Suprema.

Layon sa inihaing mosyon na baguhin o baliktarin ng Kataastaasang Hukuman ang ginawa nitong deklarasyon sa ‘articles of impeachment’ na ipinasa ng Kamara sa Senado.

Hangad rin sa mosyon na pagtibayin o paburan ng Korte Suprema na ‘valid’ ang naging ‘transmittal’ ng Articles of Impeachment tungo sa Senado upang masimulan ng agaran ang paglilitis.

Naniniwala ang grupo na walang ginawang ‘grave abuse of discretion’ ang House of Representatives sa pagpapasimula ng impeachment complaint.

Giit nila’y walang naging paglabag sa ‘1 year ban rule’ na siyang isa sa mga naging basehan para mapawalang bisa ng Korte Suprema ang Articles of Impeachment.

Kabilang sa mga intervenors sa inihaing mosyon ay sina former ACT Teachers party-list Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na siyang nag-endorso sa ikalawang impeachment complaint.